MMDA nais pigilan ang 'doble pamasahe' dahil sa provincial bus ban

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 08:03 AM

Watch also in iWantTFC

Kinakausap ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga city bus operator para hindi ipasa sa mga commuter ang dagdag bayarin dahil sa provincial bus ban sa EDSA, ayon sa isang opisyal, Huwebes.

Sa ilalim ng ban, kakailanganin ng provincial buses na magbaba ng mga pasahero sa government terminals na nasa Parañaque, Valenzuela City at Sta. Rosa, Laguna, kung saan sila makakalipat sa city buses.

Mas mahal ang pamasahe sa city buses, pero pinakiusapan ng MMDA ang mga operator na pasanin na lang ang diperensya sa pamasahe, ayon sa EDSA traffic chief ng ahensya na si Bong Nebrija. 
 
"Kinausap na po namin ang mga city operators na they should just shoulder the difference... Ibig sabihin, kung ang pamasahe mo is P1,000 coming from Bicol to Cubao tapos mapuputol, P900 na lang dahil Sta. Rosa ka, ang sinasabi po namin, from Sta. Rosa to Cubao P100 na lang ang pamasahe," ani Nebrija sa panayam ng DZMM. 

"Hindi po madodoble ang pamasahe," dagdag niya. 

Hinihintay aniya ng MMDA na magkaroon ng special permits para sa naturang fare scheme. 

Nakikipagpulong din ang ahensya sa mga commuter at operator, habang hindi pa naglalabas ang Korte Suprema ng pasya ukol sa mga petisyon laban sa bus ban, sabi ni Nebrija. 

DZMM, Hunyo 6, 2019