PatrolPH

Lalaki sinaksak ng lasing sa Sta Cruz

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2023 08:51 AM

Watch more on iWantTFC

Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng kapitbahay na nag-amok sa Sta. Cruz, Maynila.

Walang nakikitang ibang motibo ang mga awtoridad maliban sa langong lango sa alak ang suspek kaya ito nag-amok. Nahuli naman ang suspek pero nakipaghabulan pa muna ito sa mga pulis. 

Bago mangyari ang insidente, nakuhanan ng CCTV ang suspek na tumatakbo palabas ng isang eskinita sa Brgy. 364, Sta. Cruz, Maynila. Pumunta ito sa kabilang bahagi ng lugar.

Maya-maya pa’y lumabas ang isang lalaking buhat-buhat ang biktima na sinaksak umano ng suspek.

Agad rumesponde ang mga pulis na nasa kalapit na barangay na hinabol pa ang suspek bago ito nahuli. 

Base sa imbestigasyon ng Sta. Cruz Police Station, nakasalubong lang ng suspek ang biktima na noon ay nakikipag-inuman nang bigla itong saksakin sa likod.

Dead on arrival sa ospital ang biktima.

Inamin naman ng suspek ang nagawang krimen pero nangatwiran na inunahan lang niya ang biktima na inakala niyang siya’y sasaktan.

Inaalam pa sa ngayon ng Manila Police District kung may dati nang record ang suspek bagamat inamin umano nito na gumagamit siya ng ilegal na droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.