Mahigit 36,000 jeepney driver nakakuha ng ayuda: DSWD
ABS-CBN News
Posted at Jun 04 2020 09:52 AM
Sinabi ng Department of Social Welfare and Development ngayong Huwebes na nakapagbigay na ito ng pinansyal na tulong sa hindi bababa sa 36,200 jeepney driver na hindi makapaghanap-buhay dahil sa lockdown para pigilin ang coronavirus pandemic.
Nakatanggap din ng ayuda mula sa ahensya ang isa pang grupo ng 36,100 driver ng public utility vehicles, pero hindi tiyak kung ilan dito ang driver ng jeepney, ani DSWD Spokesperson Irene Dumlao.
Ito'y dahil aniya magkakahalo ang pangalan ng mga benepisyaryo ng social amelioration program na inirekomenda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Binitawan ni Dumlao ang naturang pahayag kasunod ng pag-aresto sa 6 na jeepney driver nang magprotesta bilang panawagan para sa ayuda at pagpayag ng gobyerno na muli silang makapasada.
6 nagprotestang jeepney driver ikukulong 'hanggang makapagpiyansa' - pulisya
https://newsbox.abs-cbnnews.com/Newscom/Articles/Article/633109
"Paanong hindi mamamalimos [ang mga driver], wala nga silang ibinibigay na ayuda?" patungkol sa insidente ni Zeny Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.
"Nakikipag-ugnayan kami sa DSWD, may sinasabi sila sa amin, umaasa kami, naghihintay na lang kami pero hanggang ngayon wala pa rin," dagdag niya.
Ipinaliwanag naman ni Dumlao na hindi na makakatanggap ng ayuda ang mga driver mula sa ahensya kung nakakuha na sila o miyembro ng kanilang pamilya ng tulong pinansyal mula sa ibang ahensya o sa lokal na pamahalaan.
Makikita aniya ang listahan ng mga benepisyaryo sa website ng DSWD at LTFRB.
Hindi aniya nakasaad sa naturang listahan kung makukuha ang ayuda mula sa Land Bank of the Philippines o mobile wallet na GCash.
"Maaari po nating gawin iyan. Maaari naman po tayong makipag-usap din kay Ma'am Zeny," ani Dumlao.
DZMM, Hunyo 4, 2020
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
DZMM, tagalog news, DSWD, cash aid, social amelioration, jeepney drivers, Fejodap, jeepney drivers arrested protest, Caloocan, coronavirus, COVID-19, coronavirus updates, COVID-19 updates, coronavirus latest, COVID-19 latest, pandemic, COVID-19 pandemic, COVID-19 Philippines, coronavirus Philippines, Philippines updates COVID-19, Philippines updates coronavirus, ECQ, GCQ, enhanced quarantine, general quarantine, modified quarantine, lockdown, lockdown guidelines, lockdown dos donts, lockdown public transport, lockdown commute Philippines