Pinoy Gen Zs mas gusto umano ang remote work
ABS-CBN News
Posted at Jun 03 2023 04:19 PM
Lumalabas na mas pinipili ng mga Pinoy Gen Zs na magkaroon ng oportunidad na makapag-remote work dahil sa kakaiba nilang characteristics at work competencies katulad ng pagiging digitally native, creative, innovative, at pagiging adaptable sa pagbabago, sabi ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Patrick Patriwirawan Jr.
Aniya, ang mga trabahong hinahanap ng Gen Zs ay ang mga hindi nangangailangan ng pisikal na nasa opisina katulad na lamang ng content writers, copywriters, web or software developers, graphic designers, virtual assistant, online tutor, at social media manager.
“Dahil sila ay nabibilang sa generation na ito, angkop na angkop ‘yung mga competencies na na-develop nila para sa ganitong klase ng trabaho,” ani Patriwirawan.
Nakikita na mas malaki ang oportunidad sa mga remote work dahil mas malaki umano ang market nito.
Ibinahagi ni Patriwirawan na ang mga job opportunities ay palaging available sa mga online job portals pati na rin sa Public Employment Service Offices (PESOs) na partner ng Local Government Units (LGUs) na tumutulong sa mga naghahanap ng trabaho. Madalas makita ang mga ganitong oportunidad sa mga social media platforms.
Aniya, dapat pa rin siguraduhin na lehitimo at ligtas ang mga job opportunities na hahanapin nila, lalo na sa mga Gen Z.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng partnership ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Education (DepEd) sa pagsasagawa ng special job fairs para sa mga K-12 graduates.
Sampung porsyento sa mga K-12 graduates ang gustong maghanap ng trabaho. Mayroong mga employers na nirerecognize ang competencies na mayroon sila.
“Gusto natin makita, malaman, mapag-aralan, kung ano pa ‘yung mga interventions na kailangan para mas marecognize ‘yung competencies or abilities na meron sila,” ani Patriwirawan.
May mga listahan na ang gobyerno ng mga available na trabaho at trainings para sa mga jobseekers na maaaring matagpuan sa kanilang site na philjobnet.gov.ph.
Sinisiguro ng gobyerno na magkaroon ng oportunidad ang mga tao para makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng kanilang libreng platform at sa pakikipag-ugnayan nila sa mga LGU at PESO.
Nagsasagawa rin sila ng mga job fairs sa tulong ng mga partner employers na nakikiisa sa programang ito.
Sa June 12, kasabay ng pagdiriwang ng araw ng kalayaan, magsasagawa ang DOLE ng nationwide job fair kung saan bawat rehiyon ay magkakaroon ng job fair sites.
Sa Metro Manila, may labindalawang job fair sites na inihanda kabilang na ang mga partner mall sites na SM Fairview at SM Megamall. Matatagpuan ang listahan ng mga job fair sites at iba pang detalye ng event sa website at Facebook page ng DOLE at BLE.
Pinayuhan ni Patriwirawan ang mga job seekers maging ang mga kasalukuyang empleyado na patuloy na mag-upskill at reskill dahil sa mga pagbabagong nangyayari sa labor market.
“Gusto natin masiguro na ‘yung mga interventions na binibigay natin, whether kung ito ay galing sa private companies, sa mga training opportunities nila, or sa government kung saan may employability programs tayo through the Bureau of Local Employment at sa Technical Education Skills Development Authority (TESDA), ‘yung mga interventions na ito ay angkop at nakalinya sa pangangailangan ng mga kompanya at sa demand ng labor market,” ani Patriwirawan.
— Yna Salazar
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, TeleRadyo, PatrolPH