PatrolPH

Nahawa ng COVID-19 sa isang community pantry sa QC nasa 56 na

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2021 01:41 PM

Watch more on iWantTFC

Nasa 56 na ang bilang ng kaso ng COVID-19 mula sa community pantry na inorganisa ni dating basketball player at ngayon ay District 3 Councilor Franz Pumaren sa Barangay Matandang Balara sa Quezon City.

Kalalabas lamang ng partial result ng 2-day mass swabbing sa naturang barangay kung saan namigay ng ayuda si Pumaren noong nakaraang buwan.

Sa kabuuang bilang, 50 ang lumabas na nagpositibo sa RT-PCR test habang anim ang nagpositibo sa antigen test.

Isasailalim naman sa lockdown ngayong Huwebes ang Lagoon Street sa nasabi ring barangay kung saan 14 na mga residente ang nagpositibo sa virus.

Samantala, sa isa pang pangyayari sa Barangay Matandang Balara kung saan may kasal, kainan, inuman at bible study na naganap, hawak na ng QC Prosecutors Office ang kasong isinampa ni Chairman Allan Franza laban sa bagong kasal na itinuloy ang mass gathering sa kanilang lugar kahit ipinagbawal daw ito.

Paglabag sa health protocols ang isinampang kaso laban sa kanila.

Matatandaang 54 naman ang nagpositibo sa magkakasunod na okasyon sa Area 7 Compound. Nadala na lahat ang mga pasyente sa Hope COVID facility.

Dahil dito, intasan naman ang lahat ng organizers ng mga community event na magbigay-abiso sa Quezon City Department of Public Order and Safety limang araw bago ang kanilang event para maging maayos ang koordinasyon.

- TeleRadyo 3 Hunyo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.