PatrolPH

13 OFWs mula UAE, stranded sa Singapore

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2021 01:23 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Stranded sa Singapore Changi Airport ang 13 overseas Filipin workers (OFWs) mula sa United Arab Emirates dahil sa biglaang pagdesisyon ng gobyerno ng Pilipinas na palawigin pa ang travel ban sa pitong mga bansa, kabilang ang UAE, para mapigilan ang pagpasok ng mas nakahahawang Indian variant ng COVID-19.

Sa mga upuan sa naturang paliparan natulog ang mga OFW. Lumipad sila mula UAE noong Mayo 31 at dumating sa layover nila sa Singapore ng madaling araw.

Dito na nila nalaman na muling pinalawig ng gobyerno ng Pilipinas ang travel ban hanggang Hunyo 15. Dahil dito, hindi na sila pinasakay pa ng eroplano pabalik ng Pilipinas.

Unang payo sa kanila ay bumalik na lamang sa UAE. Pero giit nila, hindi naman nila kasalanan ang last-minute na anunsiyo ng extended travel ban.

Nauna nang sinuspinde ng gobyerno ang pagpasok ng mga traveler mula India, Bangladesh, Pakistan, Nepal, Sri Lanka, Oman, at UAE hanggang Mayo 31. Pero inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang extension sa tavel ban mula Hunyo 1 hanggang 15.

Nakikipag-ugnayan ang 13 OFW sa Philippine government agencies. Pero ayon sa kanila, wala silang nakukuhang konkretong sagot kung kailan sila makakauwi ng Pilipinas at kung ano ang pwede nilang gawin.

- TeleRadyo 3 Hunyo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.