PatrolPH

'Pinasok ng armado': OFW sa Sudan ikinuwento ang pagtakas sa bahay ng amo

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2023 09:20 PM

Watch more on iWantTFC

Emosyonal na ikinuwento ni Rebecca Mendoza ang kanilang pinagdaanan ng kapwa OFW para makatakas sa bahay ng amo sa Sudan kasunod ng pag-atake ng mga armadong lalaki doon.

"Pinasok po 'yung bahay ng madam ko tapos binaril po 'yung mga padlock ng bahay namin. Sinira po 'yung pinto tapos hinalughog po lahat ng gamit namin," sabi ni Mendoza sa ABS-CBN TeleRadyo nitong Biyernes.

"Nandoon po kami sa kabilang kuwarto naghiwa-hiwalay po kami."

Tinangay rin aniya ng mga armado ang kaniyang sahod na nagkakahalaga ng $800. 

Dagdag niya, iginapos at nilagyan rin ng piring ang guard ng bahay ng kaniyang amo.

"Tapos si madam ko nasa kuwarto lang niya doon siya kinausap ng armadong kalalakihan 'di namin alam kung ano ang kailangan nila doon sa amo ko," aniya.

Matapos ang pag-atake, naisipan niya at ng kaniyang kasamang Pinay na tumakas na sa bahay ng kanilang amo.

"Sabi ng kasama ko 'naku patay tayo 'pag 'di tayo umalis dito 'day siguradong pag-iinitan tayo ng amo mo dahil sa pagka-send ng location inaano niya sa iyo sasabihin kung hindi kayo nag-send ng location hindi ako matutunton dito," sabi ni Mendoza.

"Takot na takot po kami kasi pinagbabaril po 'yung bahay namin eh."

Matapos makituloy sa nakilalang lalaki, inihatid sila sa station bus ng Port Sudan.

Pansamantala silang nasa hotel ngayon at naghihintay ng ticket pauwi sa Pilipinas.

— TeleRadyo, Hunyo 2, 2023

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.