Binatilyo tiklo sa pagnanakaw umano ng motorsiklo ng kapitbahay sa Las Piñas
Nico Bagsic, ABS-CBN News
Posted at Jun 02 2023 06:39 AM
MAYNILA—Naibalik sa isang delivery rider ang kaniyang motorsiklo matapos itong manakaw, Huwebes ng madaling araw sa Las Piñas City.
Isang 17-anyos na lalaki na kaniya pang kapitbahay ang suspek.
Sa kuha ng CCTV sa bahay ng biktima, makikitang tiniktikan pa sandali ng binatilyong suspek ang paligid ng labas ng bahay kasama ang kaniyang mga barkada bandang alas 2 ng madaling araw.
Dali-dali nitong itinakbo ang motorsiklo, habang ang kaniyang mga barkada ay sumakay ng isang pedicab at umalis sa ibang direksyon.
Nang umagang iyon, paglabas ng may-ari ng motorsiklo na si Alvin Canillo sa kanilang bahay para maghanapbuhay bilang isang delivery rider, wala na ang kaniyang motorsiklo.
"Nakuha sa mismong tapat ng bahay ng complainant. Naka-park yung kaniyang 110cc na motor. Ngayon, siyempre, meron na din drive ang complainant, mag-review, magtanong muna at i-review ang CCTV. So ang ginawa ng tao, binalikan ang CCTV, ni-review niya, nakilala niya ngayon ang suspect. Ang suspect, menor de edad," ani Las Piñas Police Chief P/Col. Jaime Santos.
Dumulog agad siya sa barangay para ipaalam ang nangyari.
Natagpuan ang ninakaw na motorsiklo sa labas ng isang fast food chain malapit sa bahay ng biktima, sa pakikipagtulan ng Las Piñas Police.
"Bilang ako talaga, as a rider po, kadikit na po talaga namin ang motor, kasama na po talaga namin sa araw-araw. Yun po ang business namin. Kung wala po ang motor, wala po ang negosyo, walang pera ang kumikita sa akin," sabi ni Canillo.
Ayon sa barangay tanod na si Julieta Valderrama, kilala ang suspek sa pagnanakaw at nasangkot na sa iba pang reklamo sa kanilang barangay.
"May ilan na din nagrereklamo sa kaniya nung bata pa siya. Nakarating nga kami sa kaniya kasi nga nagkaproblema. Minsan, nasama siya sa motor na nawala daw dito na kulay itim. Pinuntahan namin, tinanong namin. Hindi daw siya. Pero nahuli sila noon. Minsan, nakapasok na 'yan sa Bahay Pag-asa," sabi ni Valderrama.
Nahaharap sa kasong carnapping ang suspek at desidido ang biktimang si Canillo na ituloy ang kaso.
"Nagmamaka-awa po yung bata, na katuwaan lang daw po gusto nila mangyari. Pero malaking perwisyo po kasi ginawa nila kahit po katuwaan lang," sabi ng biktima.
Nasa kustodiya na ng Las Piñas Police ang suspek. Isasailalim muna siya sa pangangalaga ng Bahay Pag-asa ng City Social Welfare dahil menor de edad ito.
Nanawagan naman ang Las Piñas Police sa mga magulang na gabayan nang mabuti ang kanilang mga anak para hindi masangkot sa mga krimen.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news, PatrolPH