Paghintay ng mga pasahero para makasakay ng MRT sa Taft Avenue umaabot ng mahigit isang oras

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 07:53 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Aabot ng mahigit isang oras ang paghihintay para makasakay ng MRT sa Taft Avenue station ngayong Martes.

Halimbawa na lamang, mula kaninang 6:00 ng pagsisimula ng pagpila sa baba ng istasyon ay aabutin ang isang tao ng halos 30 minuto bago makarating sa inspection area ng station. May dagdag oras pa ang pagsakay mismo ng tren.

Mahigpit kasi ang pagpapasunod sa physical distancing markers ng mga security personnel, pulis, at coast guard na nakadestino sa lugar.

Pinapatigil na muna ang pagpapapasok ng tao kapag nag-full capacity na ang pila sa loob ng station papunta ng tren ng MRT kaya oras din ang pwedeng abutin sa mismong pagsakay ng tren.

Ilan sa mga unang pumila ay kanina pang pasado 4:00 ng madaling araw nasa istasyon. Maaga silang dumating para umiwas sa inasahan nilang bugso ng tao.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News