Mga banyaga, handa pa ring bumisita, manirahan sa PH

ABS-CBN News

Posted at May 31 2017 01:12 PM | Updated as of May 31 2017 01:36 PM

Watch also in iWantTFC

Sa kabila ng tuloy-tuloy na bakbakan sa Marawi City at pagdeklara ng martial law sa Mindanao, handa pa ring maglibot at manirahan sa bansa ang ilang banyaga.

Kuwento ng Amerikanong si Doland Fennel, na ikakasal sa kasintahan nitong taga-Davao, buo pa rin ang loob n'ya na manirahan sa bansa.

"I have God on my side. I always feel safe. I pray for the people in Marawi," banggit nito.

Tuloy naman ang bakasyon ng Briton na si Tim Jackson sa Visayas kahit nagpapatuloy ang bakbakan sa Marawi.

“Today could be your last day, regardless of where you go. I do take extra precautions, I read the news,” aniya.

Sa kabila nito, hindi namang maiiwasan ang pangamba ng ilang dayuhan sa nangyayari sa katimugang bahagi ng bansa.

Ani Danie Ross, tubong New Zealand na nagbabakasyon sa Bohol, “in a way I am scared but I just can't sit inside all day.”

Paghina ng turismo sa Bohol, Cebu

Kinumpirma ng Cebu Alliance of Tour Operations Specialists na 50% ang ibinagsak ng kanilang bookings sa Cebu at Bohol mula nang ideklara ang martial law sa Mindanao.

Aminado ang grupo na kahit nasa Mindanao ang martial law, apektado pa rin ang imahe ng buong bansa.

Namumuo na ang planong i-divert sa Cebu at Bohol ang mga turistang magbabakasyon sana sa Mindanao dahil na rin sa kaguluhan sa Marawi.

Samantala, makatutulong din sa pag-usbong ng turismo ang pagbubukas ng direct flight mula Tagbilaran, Bohol papuntang South Korea. – Umagang kay Ganda, 31 May 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.