Bisa ng driver's license, gagawin nang 10 taon

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2017 04:10 AM | Updated as of Jun 01 2017 04:27 PM

Watch also in iWantTFC

Inaprubahan na ng kongreso ang panukalang palawigin ang bisa ng driver's license. Mula sa kasalukuyang tatlong taon, gagawing lima hanggang 10 taon na ang bisa nito. 

Kaakibat nito ang planong sistema kung saan maaapektuhan ang haba ng bisa ng lisensya kung may traffic violation ang isang driver. 

Para sa mga matagal nang nagmamaneho, gagawing sampung taon ang validity ng kanilang lisensiya kapag nag-renew sila. 

Limang taon naman para sa mga ngayon pa lang kukuha ng professional o non-professional driver's license. 

Labis naman itong ikinatuwa ng mga driver. 

"Mas okay po iyon kasi hindi na mahihirapan magpabalik-balik pa sa LTO (Land Transportation Office). Hindi ka na maaabala kung pupunta ka pa doon para mag-renew. Minsan matagal ang proseso e," ayon kay Danilo Ferrer, 27 taon nang nagmamaneho. 

Kaakibat naman ng pag-apruba nito ang planong sistema kung saan depende ang haba ng bisa ng lisensiya sa pagiging masunurin o sa mga paglabag ng isang driver sa mga batas trapiko. 

Ang mga driver na magkakakaso o pagsuway sa loob ng unang limang taon ay kailangang i-check sa LTO kung paaabutin pa hanggang 10 taon ang kanilang lisensiya. 

Bilang parusa, maaari ring gawing hanggang limang taon na lang ang bisa kapag nag-reapply sila. 

Sang-ayon naman sa ganitong sistema ang road safety expert at dating LTO chief na si Bert Suansing. 

"Being issued a driver's license here in the Philippines is a privilege. It's not a right. Ang maayos na pagmamaneho is pagsunod sa batas na umiiral. Mabawasan kung hindi man maalis totally yung mga sakuna sa lansangan," ani Suansing. 

Ayon pa kay Suansing, oras na maipatupad na ang bagong driver's license validity, dapat isunod na ang online renewal nito para sa mas mabilis pang serbisyo ng gobyerno. -- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.