PatrolPH

Suspek sa pagpatay sa 4-anyos, ginamit ang pangalan ng Amerikanong serial killer sa group chat

ABS-CBN News

Posted at May 30 2023 06:45 AM | Updated as of May 30 2023 09:13 PM

Watch more on iWantTFC

Iniimbestigahan na ng Las Pinas police ang anggulong posibleng tinorture umano ang apat na taong gulang na lalaki na pinatay at itinago pa sa washing machine sa Brgy CAA.

Ito'y makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na sadyang pinahirapan at pinatay ang batang biktima.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa 18-anyos na pinsan ng biktima, na una na siyang nakatanggap ng mensahe noong Lunes mula sa isang concerned citizen nagpakilalang malapit na kaibigan ng 15-anyos na suspek. 

Nakunsensya umano ang concerned citizen kaya nagdesisyon itong makipag-ugnayan sa mga kaanak ng biktima.

Nagpadala pa ito ng screenshots nagdidiin umano na sadyang pinatay ng suspek ang biktima. 

Isa sa mga larawang pinadala ng concerned citizen ay ang mga kuha sa biktima na may nakalagay pang time stamps na galing umano sa suspek.

Makikita sa larawan na bandang alas tres ng hapon na umiiyak pa ang biktima.

At dakong 3:53 p.m., makikitang nakalublob na sa balde ang bata.

Naniniwala naman ang lolo ng batang biktima na ang mga larawan ay kuha sa mismong araw na namatay ang paslit dahil sa suot nitong damit. 

Mapapansin din na ang pangalan na ginamit ng suspek sa group chat ay kaparehas sa isang kilalang Amerikanong serial killer.

"May nabanggit 'yung tatay, [iyong] anak, mahilig sa crime series, especially kay Jeffrey Dahmer... Nag-research kami, du'n namin nalaman na American serial killer... Parang tumutugma ang scenario sa incident," sabi ni PSMS Marsito Torreon, imbestigador ng Las Pinas PNP.

Tinitingnan na ng Las Pinas police ang posibilidad na nagawa umano ng suspek ang krimen dahil sa kanyang interes dito. 

Nagbabala naman ang isang psychiatrist, na posible umano na may impluwensya ang mga pinapanood ng suspek sa kanyang naging paguugali.

Sa medical certificate lumilitaw na ang cause of death ay blunt traumatic injuries to the head. Pero inaabangan pa ng mga pulis ang full autopsy report.

Sinampahan na ng reklamong murder ang suspek. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.