Bahay na pinagtataguan ng exotic animals, sinalakay

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 10:26 AM

Watch also in iWantTFC

Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) Environment Crimes Division ang isang bahay sa Muntinlupa City kung saan nadiskubre ang ilang exotic na hayop na ipinagbabawal na ibenta.

Sa bungad pa lang kita na ang maliliit na buwaya na nakalagay lang sa isang plastic container.

Pagdating sa sala ng bahay, may black na container na nakabaliktad. Nang buksan, isang Burmese Albino Python ang laman nito.

Agad inaresto ng mga operatiba ang may-ari ng mga hayop na si Hans Cudilla at kanyang asawa. Pero itinanggi ni Cudilla na ilegal ang kanyang pag-aalaga ng mga hayop.

Ang misis naman niya, naglabas ng mga dokumento na nagsasabing walang basehan ang ginawang pag aresto ng NBI.

Nakumpiska rin mula sa mag-asawa ang imported na mga Iguana, 3 Whistling Duck, isang Indian Ring Neck Parakeet, isang Blue Tongued Monitor Lizard, dalawang Chameleon at dalawang Sulcata Tortoise.

Ibinigay sa Department of Environment and Natural Resources Wildlife Bureau Protective Center ang mga hayop habang dinala ang mag-asawang nahuli sa NBI para masampahan ng kaso ng paglabag sa Philippine Wildlife Act o pagbebenta ng mga wildlife animals. – Umagang Kay Ganda, 30 May 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.