Traffic enforcer binaril ng rider sa Tanza, Cavite
Izzy Lee, ABS-CBN News
Posted at May 29 2023 07:49 AM | Updated as of May 29 2023 05:03 PM
(UPDATE) Patay ang isang traffic enforcer matapos pagbabarilin ng nakaalitang motorcycle rider noong gabi ng Linggo sa Tanza, Cavite.
Sa kuha ng video sa insidente, makikita ang isang lalaking nakasakay ng motorsiklo na nakikipagtalo sa enforcer sa harap ng isang mall bandang alas-6 ng gabi. Nakatayo naman sa gilid ang lalaking angkas.
Maya-maya pa'y pinaandar ng rider ang motorsiklo at tinangkang sagasaan ang enforcer sa harap niya.
Sa isa pang video, makikitang inaambahan na ng suntok ng lalaki ang mga enforcer.
Biglang may inabot sa suspek ang kasamang lalaki at doon na sunod-sunod na pinaputukan ang mga enforcer. Matapos ang pamamaril, humandusay ang isang duguang enforcer.
Tumakas sakay ng motorsiklo ang rider at angkas habang dinala naman sa ospital ang enforcer pero dead on arrival ito.
Batay sa imbestigasyon ng Tanza police, minura ng suspek ang biktima kaya pinahinto siya nito sa tabi ng kalsada.
"Under the influence of liquor [ang suspek]. Ang instinct ng ating enforcer, nabastos, nagpe-perform ng kaniyang official functions, flinag nila itong suspects," kuwento ni Maj. Dennis Vilalnueva, officer-in-charge ng Tanza police.
"Sa pag-flag nila, doon nila nakita 'yong violations [ng suspek] na walang helmet, walang OR-CR and the likes, and doon na nagkaroon ng heated argument," aniya.
Ayon kay Villanueva, 2 beses nang nakasuhan ang suspek pero parehong na-dismiss ang kaso.
"Mayroon siyang record na double murder. Nai-file ito noong 2020 kaya lang for unknown reasons hindi na-prosper 'yong kaso, na-dismiss. Mayroon din siya illegal possession of firearms through search warrant noong 2019 naman, hindi rin nag-prosper," ani Villanueva.
Nagtatrabaho bilang bodyguard ng chairperson ng Barangay Daang Amaya 2 ang 37 anyos na suspek.
Ayon kay chairperson Cindy Arguson, matapang at mainitin ang ulo ng suspek.
"Lagi ko rin 'yan kinakausap... Pagka nakikita kong medyo umiinit ang ulo," ani Arguson.
Hindi pa nahuhuli ang suspek at kasama nito pero noong gabi ng Linggo, natagpuan ng mga pulis ang motorsikong ginamit nila sa pagtakas.
Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima pero hindi na sila nagpaunlak ng panayam. Gayunman, desidido silang magsampa ng kaso laban sa mga suspek.
Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad para matugis ang mga suspek.
Nakahanda rin umanong magbigay ang lokal na pamahalaan ng Tanza ng P100,000 reward money sa kung sino man ang makapagtuturo kung nasaan ang suspek.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol