Aksidente o foul play? 4-anyos na bata natagpuang patay sa washing machine
Anna Cerezo, ABS-CBN News
Posted at May 29 2023 07:11 AM | Updated as of May 29 2023 08:31 PM
Natagpuang patay ang isang 4 na taong gulang na batang lalaki sa loob ng washing machine sa Barangay CAA, Las Pinas.
Dalawang araw nang hindi makatulog ang pamilya ng apat na taong gulang na batang biktima sa kakahanap sa kanya.
Nang masilayan muli nila ang musmos, nasa state of decomposition na ito.
Natagpuan ang bata sa loob ng washing machine sa bahay ng kanyang 15-anyos na tiyuhin na una nang pinagkatiwalaan ng pamilya upang alagaan ito.
Natuklasan lang ng ina ng suspek ang binabad na sikreto sa washing machine makaraang umalingasaw ang amoy ng bangkay.
Una nang nagsumbong ang lolo ng biktima sa barangay na nawawala ang kanyang bunsong apo noong May 26.
Base sa salaysay na ibinigay ng ina ng suspek sa pulis, naaksidente umano ang bata.
Nakarinig umano ang suspek ng malakas na kalabog sa hagdan.
Natakot umano ang tiyuhin nang makitang hindi na kumikilos ang pamangkin.
Sa taranta nito, kinuha niya ang bata at itinago sa loob ng washing machine.
Pero hindi kumbinsido ang lolo ng biktima sa alibi ng suspek. Giit nito, may naganap na krimen at hindi lamang aksidente ang nangyari.
Ayon sa lolo, bukod sa kahinahinala umano na paliwanag, nagpost ang suspek sa kanyang social media account na nagpapahiwatig na napatay umano niya ang kanyang apat na taong gulang na pamangkin.
Hinihintay pa ng mga pulis ang resulta ng otopsiya sa biktima upang malaman kung may foul play sa pagkamatay nito.
Sa ngayon, dinala na sa pasilidad ng DSWD ang kinse anyos na suspek.
Ayon naman sa lolo ng biktima, mapapatawad nila ang binatilyo, pero desidido silang papanagutin ito.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, TV Patrol Top