PatrolPH

'Modified EDSA': Bus stops, ilalagay na sa left lane ng EDSA

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 08:27 AM | Updated as of May 29 2020 06:46 PM

Watch more on iWantTFC

Ilang batas trapiko ang babaguhin sa EDSA simula Lunes kasabay ng pagsasailalim ng Metro Manila sa general community quarantine sa Hunyo 1.

Sa ilalim ng tinaguriang 'Modified EDSA', ililipat ang mga bus lanes sa inner lane ng EDSA sa tabi ng MRT.

Katulad na lamang sa Quezon Avenue Station ng MRT, tinibag na ang center island ng naturang istasyon para gawing bus stop kung saan bababa at sasakay ang mga pasahero ng bus.

Para makarating sa naturang lugar, aakyat ang mga pasahero sa MRT station at bababa para makarating sa center island.

Gagamitin ding bus stops ang mga footbridge sa EDSA.

Naglagay na rin ang MMDA ng orange barriers na magiging daanan ng bus.

Bawal ang pribadong sasakyan sa bus lanes.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority General (MMDA) Manager Jojo Garcia, hindi na umano puwede ang nakagawian na kung saan ka nakatira o nagtatrabaho ay doon ka bababa o sasakay.

Kinakailangang maglakad ang mga pasahero kung malayo ang bus stop sa kanilang pupuntahan.

May second phase pa umano ang Modified EDSA at sisikapin ng MMDA na makapaglagay ng bus stop sa bawat isang kilometrong distansya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.