Mga 'bakwit' mula Marawi, tuloy ang puasa sa Ramadan

ABS-CBN News

Posted at May 30 2017 05:38 AM | Updated as of May 30 2017 01:13 PM

Watch also in iWantTFC

Kahit mahirap ang sitwasyon sa mga evacuation center, patuloy pa rin sa ‘puasa’ o fasting ng maraming ‘bakwit’ bilang bahagi ng pag-obserba ng banal na buwan ng Ramadan. 

Habang tumitindi ang opensiba ng militar laban sa Maute group sa Marawi City, dumarami rin ang mga lumilikas sa karatig-lungsod ng Iligan. Sa iisang banig, pilit nagkakasya ang bawat pamilyang pansamantalang nakikisilong sa evacuation center sa barangay Maria Cristina. Bukod sa mainit, kulang pa ang palikuran.

Pero dahil buwan ng Ramadan, tuloy din ang ‘puasa’ o fasting ng mga Muslim.

"Kinakaya ko talaga dahil sa panginoong Allah," ani Putri Dagarana, isa sa mga bakwit. 

Tuwing Ramadan, hindi sila maaaring kumain mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-6 ng gabi, kaya mayroong mga hindi ginagalaw ang almusal na ibinibigay sa evacuation center. 

Hindi naman maaaring mag-'puasa' ang mga paslit, matatanda, at may sakit, kaya ang mga ina ay binabantayan na lamang ang maliliit na anak na nagsasalo sa pagkain. 

Sinisiguro naman ng evacuation center na nagluluto sila sa hapon para sa 'break the fast' pagsapit ng alas-6 ng gabi. Nagluluto silang muli pagsapit ng hatinggabi at alas-2 ng madaling araw. 

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.