PatrolPH

Pamilya Arnigo umaasa na malulutas ang kaso sa paglutang ng testigo

ABS-CBN News

Posted at May 28 2021 09:28 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Kasabay ng paglutang nitong Huwebes ng isa sa mga testigo sa pagkabaril kay Edwin Arnigo, umaasa ang pamilya Arnigo na makakamit na nila ang hustisya.

Lumantad at nakipag-ugnayan Huwebes sa National Bureau of Investigation ang isa sa mga testigo sa tulong ng Valenzuela City government.

Sa salaysay ni alyas Jerry, galing siya sa isang handaan noong Linggo at nang pauwi na nakarinig umano siya ng putok ng baril.

Nang tumakbo siya, naharang at hinuli umano siya ng pulis. Nakita rin umano niyang tumatakbo papalapit sa kanila si Arnigo at hinuli rin ito ng pulis na humuli sa kaniya.

Nagpumiglas at umiyak aniya si Arnigo saka pumutok ang baril ng pulis na nakatutok sa tagiliran ng biktima saka naman nakatakbo si Jerry.

Iginiit din ni Jerry na hindi umano nang-agaw ng baril si Arnigo, taliwas sa unang pahayag ni Police Senior Master Sgt. Cristopher Salcedo.

Nagpapasalamat ang pamilya ng biktima sa salaysay na ibinigay ni Jerry at umaasa silang makatutulong ito na malutas na ang kaso.

Si Arnigo ay nabaril noong Linggo ng isang pulis sa isang operasyon kontra tupada ng Valenzuela police sa Barangay Lingunan. Sa Linggo planong ilibing ang biktima. —Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.