PatrolPH

QCPD: Online transaction ng droga nagpapahirap sa pagtugis ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at May 27 2022 06:32 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Dahil online na ang transaksyon ng ilegal na droga ngayon, mas nagpapahirap ito sa pagtugis sa mga drug pusher, ayon sa Quezon City Police District.

Hindi raw kasi basta basta makakapasok ang mga pulis sa mga group at chat ng mga nagbebenta ng ilegal na droga. 

Sa obserbasyon nila, mas dumarami na umano ang parokyanong kabataan ng ilegal na droga.

Mas nakakaalarma pa na nasa edad 16 to 20 years old ang nare-recruit ng mga dealer para magbenta.

Pasado alas-2 ng madaling araw nitong Huwebes nang mag-conduct ng buy-bust operation ang mga kawani ng Station Drug Enforcement Unit ng Galas Police Station sa Quezon City.

Ayon sa report ng PS11, sa Barangay Kristong Hari ang napag-usapang lokasyon ng abutan sa pagitan ng mga operatiba at supplier ng marijuana.

Alas-12 pa lang ng madaling araw nakikipag-negosasyon na umano sila sa dealer para sa pagbili ng kanilang undercover personnel ng isa’t kalahating kilo ng marijuana.

Nang magkasundo, dito na nakipagkita ang suspek sa mga operatiba at, sa hudyat ng nagpanggap na buyer na pulis, agad na inaresto ang dealer.

Kasama rin sa inaresto ang dalawang buyer. Nakatakas naman ang mismong dealer o target ng operasyon sakay ng motor.

Ilan sa mga narekober sa suspek ang dalawang marijuana bricks na tinatayang isa at kalahating kilo ang timbang at may estimated value na higit P180,000.

Kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isasampa sa mga nahuling suspek. – Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.