350 OFWs stranded sa Kuwait, nakatakdang umuwi sa Hunyo

ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 10:24 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Handa ang gobyerno sa pag-uwi ng nasa 350 overseas Filipino workers, kabilang ang 7 buntis, mula Kuwait, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ngayong Miyerkoles.

Nakatakdang lumipad pauwi ng Pilipinas ang mga OFW ngayong Hunyo 1 at 4 matapos mamalagi sa Al Ahmadi shelter, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Pagdating sa airport sa Maynila ay dadaan sa swab testing ang mga OFW at 14-day quarantine, ani OWWA administrator Hans Cacdac.

Maaari silang umuwi kaagad kung sila ay negatibo para sa COVID-19, dagdag niya.

Pinapayuhan din ang mga lokal na gobyerno na huwag nang ilagay sa quarantine facilities ang mga OFW pagkauwi sa kanilang probinsiya, ayon kay Cacdac.

"No reason for them to be held in quarantine pagdating sa LGUs (local government units). If ever, home quarantine where they could be self-isolated and still be with their loved ones," aniya.

"We note po 'yung situation ng mga buntis...Bibigyan natin sila ng proper attention. Meron tayong nurses and midwives na roaming yan sila sa hotels and they check on our pregnant OFWs."

Sisimulan sa susunod na linggo ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Balik Pinas, Balik Hanapbuhay program ng OWWA, ayon kay Cacdac.