5 pulis inireklamo ng torture, panghahalay umano ng teenager sa Cebu
Benise Balaoing, ABS-CBN News
Posted at May 25 2023 11:50 AM | Updated as of May 25 2023 01:40 PM
MAYNILA — Limang pulis at isang police asset sa Cebu City ang kinasuhan dahil sa akusasyon ng torture at panghahalay sa isang 19-taong gulang na babae sa nasabing siyudad.
Setyembre 19 noong nakaraang taon nang magdaos ang mga pulis ng raid sa Barangay San Nicolas. Pumasok umano ang mga pulis sa bahay na pagmamay-ari ng kaibigan ng biktima at naiwan ang teenager nang magpulasan ang mga tao.
Pero imbes na sa presinto, sa isang apartment umano siya dinala ng mga pulis kung saan nangyari ang interogasyon, torture, at panggagahasa sa kanya.
Ayon sa ulat ng CNN Philippines, paulit-ulit na pinalo ng mga pulis ang mga kamay ng biktima gamit ang walis at dust pan. Nagbanta rin umano ang mga ito na hubaran at lunurin siya.
Madaling-araw ng Setyembre 22 nang gahasain umano siya ng police asset.
Pinakawalan siya nang araw ding iyon.
Ayon kay PLtCol Gerard Perare, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) sa Region 7, hindi lehitimo ang naging operasyon ng mga pulis.
“Ito pong operation na ito or the activity was not sanctioned by the station concerned… These were done in their private capacity or personal capacity because as a matter of policy po, this is not how the PNP conducts its operations,” aniya sa panayam ng TeleRadyo.
Ayon kay Perare, nasa floating status ang mga umano’y akusadong pulis, at magsasagawa din sila ng imbestigasyon para masampahan ng administratibong reklamo ang mga ito.
Pero dagdag ng opisyal, may mga hinahap pa silang iba pang maaaring sangkot sa krimen.
“Yung na-file na complaint ng NBI-7, may mga John Doe doon, yun po ang nilagay, so yun po ang trajectory natin in the conduct of the administrative investigation,” aniya.
Dagdag ni Perare, kinasuhan ang 5 pulis ng kidnapping, serious illegal detention with rape, at paglabas sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Iginiit ni Perare na hindi nila kinukunsinti ang mga tiwaling opisyal sa kanilang hanay.
“While the PNP is very fast in recognizing good deeds, we are also very swift and very determined to make sure that those who violate policies will be penalized accordingly,” aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, regions, regional news, Tagalog news