3 patay sa pagkahulog ng jeep sa bangin

ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 05:00 PM

Watch also in iWantTFC

Tatlo ang patay at 18 ang sugatan matapos mahulog sa tinatayang 30 metrong bangin ang isang pampasaherong jeep sa Matnog, Sorsogon.

Kinilala ang mga namatay bilang sina Josefa Hilao, Judy Hilao, at Bernalet Alcantara. 

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan ng kontrol ang tsuper ng jeep kaya ito nahulog sa bangin. 

"Bumilis. Nag-accelerate 'yung takbo ng bihikulo, and then pagdating doon sa top most, nag-change gear ulit, tapos mas lalong bumilis. Pumalo siya doon sa railings, sa left side ng railings, tapos tumuloy-tuloy na doon pababa sa cliff na more or less 30 meters deep," ani SPO1 Salvador Joseph Galido ng Matnog police station. 

Hinahanap na ng Philiippine National Police and drayber ng jeep na si Joey Garalde. Ayon sa mga pasahero, agad itong tumakas bago pa mahulog ang jeep. 

"'Yung driver daw, bago mag-rest doon sa final position niya, umalis na. Nakatalon. Until now, di pa namin ma-locate," ani Galido. 

Sa 18 nasaktan, may lima pang nasa ospital, ayon sa PNP. 

Accident prone area ang lugar kaya paalala ng PNP sa mga dumaraang motorista, magdoble-ingat sa pagmamaneho.

-- Ulat ni Erick Baldo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.