School principal, nakuryente habang gumagawa ng sampayan

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 01:50 PM

Watch also in iWantTFC

Patay ang isang school principal na si Jossie dela Cruz matapos itong makuryente sa Agusan del Sur noong Sabado ng hapon.

Nagkakabit umano ng tie wire si Dela Cruz sa grills ng bintana upang gawing sampayan sa likod ng eskuwelahan. 

Habang hawak nito ang tie wire, napatapak siya sa matubig na bahagi ng lupa malapit sa gripo. Walang malay ang biktima na nakapulupot pala sa grills ng bintana ang kawad ng kuryente na nakakonekta naman mula sa isang poste. 

Tinangka pa umano ng anak na sagipin ang prinsipal pero napilitan itong bitawan ang biktima dahil maging ito ay nakukuryente rin. 

Limang anak ang naulila ni Dela Cruz. 

"Buhay pa sana ang aking asawa kung tama at ligtas lang ang pagkakakabit ng ASELCO sa kawad ng kuryente mula sa isang poste," hinagpis ni Ariel dela Cruz, asawa ng yumao.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Agusan del Sur Electric Cooperative (ASELCO) kaugnay ng insidente. 

"As of now, hindi pa natapos ang report. Ang hinihintay ko na lang, ang submission sa report nila," ayon kay Diosdidit Radaza, ang officer-in-charge ng ASELCO.

Pinag-iisipan pa ng pamilya Dela Cruz kung magsasampa sila ng pormal na reklamo laban sa ASELCO, habang umaasa rin silang tutulungan ng Department of Education para may mapanagot sa nangyayari. 

-- Ulat ni Rodge Cultura, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.