Nene, hinalay umano ng amain

ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 11:26 AM

Watch also in iWantTFC

Arestado ang isang lalaki sa Parañaque matapos umano nitong gahasain ang 12-anyos na anak na babae ng kanyang kinakasama.

Napasugod si 'Mang Arnel' sa barangay hall ng Barangay BF Homes sa Parañaque nang malaman ang nangyari sa dalawang menor de edad na anak na babae.

Ginagahasa umano kasi ng kinakasama ng kanyang asawa ang 12 anyos na si 'Jane' at sinasaktan naman ang 10 taong gulang na si 'Julia'.

Matagal na silang hiwalay at naiwan ang dalawang anak sa asawa.

Nagsimula umano ang panggagahasa noon pang 2015, at muntik pa raw itong maulit kahapon ng Martes, kuwento ni 'Jane'.

"Nanonood ako ng TV. Lumapit siya. Sabi, hubarin ko raw t-shirt ko. Bakit kailangan pang umabot sa ganito kung di naman totoo ang sinasabi namin," ayon kay Jane.

Hindi makapagsumbong si Jane dahil pinagbabantaan umano siya ng amain na papatayin silang mag-ina.

Dahil dito, ang kanyang batang kapatid na si Julia ang naglakas-loob na humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Hindi man siya ginagalaw ng amain, madalas umano siyang saktan nito.

"Pinalabas niya po ako kanina. Hindi po matigas ulo ko. Sabi niya, babasagin niya daw po mukha ko pag pumasok ako," sabi ni Julia.

Todo-tanggi naman ang suspek.

"Hindi po totoo. Hinalikan ko lang ang bata dahil namiss ko siya. Matigas kasi minsan ang ulo ng mga 'yun, lalo na ang bunso," ani suspek.

Kasong acts of lasciviousness in relation to Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, with previous rape and child abuse, ang isasampa laban sa suspek.

Kakasuhan din pati ang ina ng mga biktima dahil sa umano'y pangungunsinte sa ginagawa ng kanyang kinakasama.

"Dine-deny ng asawa, pero specific ang sinabi ng mga bata. Kinukunsinte ng asawa ang ginagawa. Itutuloy natin ang kaso hanggang korte," ayon kay kagawad Rey Casanova.

Ipinasusuri na ang mga bata. Kukunin na rin ni 'Mang Arnel' ang kanyang mga anak para mabigyan ng sapat na pangangalaga.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.