Alamin: Mga karapatan at benepisyo ng kasambahay

ABS-CBN News

Posted at May 23 2017 07:11 PM

Watch also in iWantTFC

Samu't sari ang naging reaksiyon sa artikulong "My Family's Slave" sa pahayagang 'The Atlantic'. Ito'y tungkol sa pang-aalipin umano ng isang pamilya sa isang Pinay na si Eudocia Lotoc o 'Lola' sa loob ng halos anim na dekada sa Amerika. 

Umiiral naman sa Pilipinas ang isang batas na tumitiyak sa paggalang sa karapatan ng mga namamasukan. 

Sa artikulo sa 'The Atlantic', isinalaysay ng namayapang manunulat at Pulitzer Price winner na si Alex Tizon kung paanong nanilbihan sa kanilang pamilya si 'Lola' sa loob ng halos anim na dekada nang walang suweldo, at wala ni kaibigan o kapamilya ito sa Amerika. 

Abo na nang iuwi ni Tizon ang labi ni Lola noong 2016 sa kanyang pamilya, halos limang taon matapos itong mamatay sa edad na 86. 

Ayon kay Atty. Apollo Sangalang, isang labor expert, pang-aalipin ang ginawa kay 'Lola' dahil di ito ginawa nang boluntaryo.

"Involuntary servitude is another terminology for slavery. Kapag employment, may kontrata 'yan. Nag-apply ka, tinaggap ka, nagkasundo kayo kung ano ang suweldo. Kapag involuntary naman, pinuwersa ka, at para kang tinutukan ng baril para mag-render ka ng serbisyo," ayon kay Sangalang. 

Sa Pilipinas, isinabatas at ipinatupad simula noong 2013 ang 'Kasambahay Law' na nagtitiyak ng karapatan ng mga katulad ni 'Lola' kung nagtatrabaho sa bansa. Ito'y upang maalis ang mga pang-aabuso sa karapatan at dignidad ng mga kasambahay. 

"Matagal nang neglected ang ating mga domestic worker. Ang employment relationship natin ay ang modern-day master-servant relationship. This relationship is prone to abuses. Normally, ang servant natin, tahimik lang. Walang kibo. Pag hindi napoprotektahan ng batas natin, maraming rights niya, dignity, ang nasasagasaan," ani Sangalang. 

Sa ilalim ng batas na ito, ilan sa mga benepisyo ng isang kasambahay ang buwanang minimum wage, sapat na pahinga (walong oras na pahinga kada araw, at 24 oras na walang tigil na pahinga kada linggo), 5 araw na annual service leave with pay, 13th month pay, at pagkakaroon ng SSS, PhilHealth, at PAGIBIG. 

Nakalista rin dito ang mga karapatan at pribelehiyo ng kasambahay, tulad ng maayos na matutulugan, pagpapagamot, privacy, pagkakaroon ng outside communication, pagkakataong mag-aral, tapusin ang kontrata kung may sapat na dahilan, pati pagsamba ayon sa kanyang relihiyon. 

Ayon pa sa eksperto, bukod sa tamang benepisyo, mahalaga ang maayos na pakikitungo sa mga kasambahay at pagpapasalamat sa tapat na serbisyo. 

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.