Publiko pinag-iingat sa apps na 'namamahiya' ng mga umuutang

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 01:46 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Hinikayat ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko Miyerkoles na mag-ingat laban sa mga online apps na namamahiya sa mga umuutang kapag pumalya sila sa pagbabayad. 

Nakatanggap ng 458 na reklamo kamakailan ang ahensya ukol sa mga naturang app na kinukuha ang contact list at mga electronic files sa telepono ng isang indibidwal bago ito pautangin, ayon sa isang ulat sa NPC website. 

"Tinatawagan nila o tinitext nila lahat ng nasa contacts list mo para sabihing itong taong ito ay hindi nakabayad at ipinahihiya nila," ani NPC Commissioner Raymund Enriquez Liboro sa panayam ng DZMM. 

"Ito po ay nakakasira ng reputasyon... Hindi naman ho tamang kabayaran ang karakter ng isang tao para sa isang bagay tulad ho ng pagsakto sa pagbayad," dagdag niya. 
 
Dinidinig aniya ng NPC ang mga reklamo, gayundin ang panig ng mga developer ng mga naturang app. 

"Pinag-iingat natin ang publiko... Siguraduhin po na binabasa nila iyung notices," payo ng opisyal. 

DZMM, 22 Mayo 2019