MMDA: Terminal ng provincial buses sa Valenzuela, Laguna pansamantala lang

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 02:48 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority na pansamantala lang ang pagtatalaga ng mga provincial bus sa mga bus terminal sa Valenzuela City at sa Sta. Rosa, Laguna. 

Nakatakdang saluhin ng bus terminal ang mga provincial buses sa pag-aalis ng mga provincial bus terminal sa EDSA. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na ginagawa pa sa ngayon ang permanenteng terminal ng Department of Transportation na tinatayang matatapos pa sa loob ng 3 hanggang 4 na taon. 

Ayon pa kay Garcia, hindi na na nila mahintay ang pagbuo ng mga permanenteng terminal dahil sa patuloy umanong pagdami ng mga sasakyan sa EDSA na "punong puno na" umano. 

"Ang gusto natin, ang tao ang maghihintay sa bus hindi 'yung bus ang magaantay ng tao. Kasi ang nangyayari, iyong terminal kapag malaki po ang naging turnaround, luluwag po 'yan e at baka maengganyo 'yung mga (may private vehicles) na mas mabilis magbiyahe ang mga bus," ani Garcia. 

Unang ipinatupad ng MMDA ang dry run provincial bus ban noong Abril ngunit naantala ito sa umano'y kakulangan ng abiso sa mga pasahero. 

Kasabay nito ang pagtatanggal ng mahigit 40 bus terminal sa EDSA at sa halip ay magbababa at magsasakay ng mga pasahero sa 2 integrated terminals: sa Sta. Rosa, Laguna para sa mga galing sa Timog Luzon, at sa Valenzuela para sa mga mula Norte. 

Dati na ring inamin ng MMDA na hindi nakonsulta ang mga pasahero ukol sa plano at wala ring pag-aaral na nagpapatunay na pinapasikip ng mga provincial bus ang trapik sa EDSA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.