'Pasahe, delikadong tumaas sa jeep phaseout'

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 09:44 PM

Watch also in iWantTFC

Nag-ingay sa kalsada ang grupong Piston bilang protesta sa plano umanong pag-phaseout sa mga lumang jeep na pumapasada.

Sa ilalim ng planong modernisasyon ng mga transport system sa bansa, tatamaan ang mga lumang jeep na, ayon sa kanila, naging bahagi na ng kultura ng mga Piliipino.

Pahayag ni Piston secretary general George San Mateo, ''Sinabi noong March 31 walang phaseout pero kinakasa pala ang scrappage program, kakatayin nila, bibiyak-biyakin nila ang kasalukuyang jeep para di na magamit kailanman.''

Sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) unang nagprotesta ang may 100 tsuper, saka bumiyahe sa Department of Transportation (DOTr) office sa Ortigas.

Sinasabing balak ipalit ng gobyerno ang mga solar-powered, electric, at euro 4 jeepneys.

Lalo umanong tataas dito ang pasahe gayung mga mahihirap naman ang pasahero sa jeepney.

Hindi naman naparalisa ng protesta ang pasada pero naglikha pa rin ito ng traffic.

Kasabay ring nagprotesta ang mga tsuper sa Cebu. Pero ang grupo ng Alliance of Concerned Transport Organizations o ACTO, hindi nakiisa sa transport caravan ng Piston.

Pinanghahawakan nila ang pangako ni Secretary Arthur Tugade na hindi biglaan ang pagtanggal sa mga lumang jeepnmey at tutulungan ng gobyerno ang mga maapektuhang tsuper na bumili ng bago.

Sabi naman ni San Mateo, dapat bantayan ito ng publiko dahil sa papalitang 240,000 na jeep sa halagang P1.6 milyon bawat isa, lalabas na nasa P380 bilyon ang laki ng halagang pag-uusapan dito.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.