NCRPO: 33 pulis, sinibak; 600 iba pa, iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at May 21 2017 08:30 PM

Watch also in iWantTFC

Tinanggal na sa serbisyo ang 33 pulis ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) mula nang mag-umpisa ang internal cleansing ng Philippine National Police (PNP) nitong 2016. 

Posible pa raw itong madagdagan dahil sa mga pulis na patuloy na nasasangkot sa ilegal na gawain.

Ayon sa NCRPO, mula Hulyo hanggang Disyembre 2016, 33 pulis na ang tinanggal sa serbisyo matapos mapatunayang guilty sa mga kasong isinampa sa kanila.

May 600 namang pulis ang kinasuhan ng administratibo at may panibagong 33 pang posibleng sibakin daw ulit ngayong taon.

Karaniwan daw na mga bagitong pulis ang dawit sa mga ilegal na gawain.

Aminado ang NCRPO na nahihirapan sila sa mga kaso ng mga pulis, pero patuloy pa rin ang kanilang internal cleansing.

Kamakailan lang, pinaimbestigahan ni PNP Chief Ronald "Bato" Dela Rosa kung may mga pulis pang kasabwat sa Boratong drug syndicate.

Naging kontrobersiyal din ang isyu ng tanim droga at ebidensiya na ikinatanggal sa puwesto ng anim na pulis ng La Loma Police Station sa Quezon City. Samantalang sa Pampanga, 12 pulis ang kinasuhan rin ng "tanim droga" ng isang government employee.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.