Ilang lugar sa Maynila, Quezon City binaha

ABS-CBN News

Posted at May 20 2022 10:48 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Kasunod ng malakas na buhos ng ulan sa maraming lugar sa Maynila at Quezon City, ilang mga lugar din ang binaha na nagresulta sa lalo pang pagbigat ng daloy ng trapiko.

Nasabay ang malakas na ulan sa rush hour kung kailan maraming motorista ang pauwi na galing sa trabaho.

Kabilang sa mga binahang lugar ang ilang bahagi ng A. Bonifacio Avenue mula sa kanto ng Araneta Ave., hanggang sa area na malimit tumataas ang tubig sa ilang oras lang ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Lalo pang nagdulot ito ng mas mabigat na daloy ng trapiko.

Mistulang ilog ang sitwasyon ng baha sa lugar na may agos pa patungo sa direksyon ng Araneta Ave. na sinasalubong ng mga motorista.

May mga parte ng A. Bonifacio Ave. ang lagpas gutter ang taas ng baha.

Ang ilang mga pasahero na inabutan ng ulan, pahirapan din sa masasakyan dahil palaging punuan na ang jeepney na kakaunti din ang bilang ng pumapasada mula sa Blumentritt sa Maynila patungo sa direksyon ng Balintawak sa Quezon City.—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News