PatrolPH

Nakawan ng gamit inireklamo ng mga nasunugan sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at May 20 2021 09:01 AM | Updated as of May 20 2021 02:53 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Inireklamo ng ilang residente sa Pasig City na ninakaw ang mga iniwan nilang mga gamit habang lumilikas mula sa sunog na tumama sa kanilang mga bahay, gabi ng Miyerkoles.

Aabot sa 80 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa Barangay San Miguel, base sa tala ng lokal na pamahalaan.

Bumalik nitong umaga ng Huwebes ang mga nasunugan sa kanilang lugar para tingnan kung may maisasalba pang mga gamit. 

Pero mas nanlumo umano ang ilan dahil nanakawan pa raw sila.

Ayon kay Josephine Reta, nailabas niya ang kaniyang dryer pero may ibang taong kumuha nito.

Mayroon din daw mga nawalan ng TV.

Kasalukuyang nananatili ang mga nasunugan sa San Miguel Elementary School.

Namahagi naman ng tulong, gaya ng pagkain at mga supply, ang lokal na pamahalaan sa mga nasunugan.

Pero hiniling din nilang tulungan silang makalipat o muling maitayo ang mga natupok na bahay.

— Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.