PatrolPH

SAPUL SA CCTV: Kaherang nakatulog ninakawan ng 3 cellphones

ABS-CBN News

Posted at May 18 2022 09:00 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Isang lalaki ang tiklo matapos umanong umamin na nagnakaw ng ilang cellphone sa Las Pinas City para makabili ng gamot ng asawa.

Makikita sa isang CCTV footage ang suspek na pumasok sa isang kainan sa lungsod pasado alas 6 ng umaga nitong Martes.

Dumiretso siya sa counter kung saan natutulog ang kahera at dito kinuha ng suspek ang isa sa 3 cellphone ng restaurant na nakapatong lang sa counter.

Pati ang celphone na nagcha-charge pinakyaw niya.

Dahan-dahan umalis ang lalaki nang 'di namamalayan ng kahera.

Ayon sa may-ari ng kainan, may mga kasama ang kahera ng mga oras na iyon pero nasa kusina sila nagtatrabaho.

Di niya naman raw masisi ang kahera dahil alas 11 ng gabi pa nagsimula shift nito.

Dahil may GPS ang isa sa mga cellphone, agad na trace ng mga kapulisan ang kinaroroonan ng salarin.

Natunton ang suspek ng mga awtoridad sa tindahan ng mga gadget sa Muntinlupa.

Narekober ng mga pulis ang mga cellphone at naibalik sa may-ari. Nang kapkapan ang suspek napag-alaman mayroon siyang dalang patalim.

Aminado naman ang suspek sa krimen at nanghihingi ng dispensa.

Kwento niya, sinubukan niya ibenta ang dalawang cellphone na may halagang higit P20,000 para lang sa P2,000.

Kailangan niya raw kasi bumili ng gamot para sa asawa niya na nasa ospital dahil wala na raw siyang hanapbuhay mula ng tumigil siya magtinda ng isda sa palengke dahil sa sobrang tumal ng bentahan.—Ulat ni Anna Cerezo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.