Tricycle driver, patay sa pamamaril sa Caloocan City

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2021 03:54 AM

MAYNILA - Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin habang kumakain ang biktima sa isang karinderya sa Bagong Silang, Caloocan City Miyerkoles.

Dead on the spot ang 23 taong gulang na si Mark Angelo Mamaet matapos pagbabarilin sa Langit Road sa Caloocan bago maghatinggabi.

Kumakain lang umano ng mami ang biktima sa isang karinderya at masaya pa dahil malaki ang kanyang kinita kagabi.

Pero pinaputukan siya ng hindi pa kilalang mga gunman na agad tumakas.

Sinubukan pang tumakbo ng biktima pero binawian ng buhay sa gitna ng kalsada.

Kuwento ng kaniyang nagdadalamhating ina, kakalabas lang ng kanyang anak para mamasada.

May kasama umano ang biktima pero hindi nila kilala.

Ayon sa nanay,wala namang kaaway ang anak, at hindi naman nasasangkot sa gulo.

Kaya naman nabigla sila nang may magsumbong sa kanilang bahay na nabaril nga ang biktima.

Nag-iisang anak ang biktima, at mag-isang itinataguyod ang dalawang maliit na anak.

Hindi pa tukoy ang motibo sa pagpatay.

Samantala, isa pang insidente ng pamamaril ang naitala sa North Caloocan nito ring Miyerkoles ng gabi.

Dead on arrival ang biktima sa ospital.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Caloocan Police kung magkaugnay ang dalawang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.