PatrolPH

Babae sa Norzagaray sinaksak dahil sa nasirang videoke mic

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at May 16 2022 08:07 AM

Watch more News on iWantTFC

Patay ang isang 32-anyos na babae matapos itong pagsasaksakin ng kanyang kainuman dahil sa away sa nasirang mic sa videoke sa Barangay Tigbe, Norzagaray, Bulacan nitong gabi ng Sabado.

Arestado ang suspek na kinilalang si alyas ‘Mary Jane,’ 23-anyos.

Magkasama umano ang suspek at ang biktima na si alyas ‘Ana’ sa isang inuman na may kasamang videoke sa bahay ng kanilang kaibigan.

Nakauwi na umano ng bahay ang suspek subalit bumalik ito sa inuman upang kuhanin ang kanyang ipinahiram na mikropono sa videoke.

Nang malaman ng suspek na nasira ang kanyang mic, dito na sila nagkaroon ng sagutan ng biktima.

Naawat naman umano ang 2 magkaibigan at natapos pa ang inuman session.

Subalit nang papauwi na ang biktima ay dumaan ito sa isang tindahan malapit sa bahay ng suspek.

Dito na nga hinablot ni Mary Jane si Ana sa kanilang bakuran sabay pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dinala pa sa Ospital ng Lungsod ng San Jose Del Monte si ‘Ana’ subalit idineklara siyang dead on arrival.

Kasong murder naman ang kahaharapin ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.