Babae, nabiktima rin umano ng ‘tanim-droga’

ABS-CBN News

Posted at May 17 2017 01:26 AM

Watch also in iWantTFC

Nabiktima rin daw ang isang babae ng umano’y ​'​tanim​-droga​'​ at ​'tanim​-ebidensiya​'​ ng mga pulis sa Quezon City.

Kuwento ng live-in partner ng 35​ ​anyos na si Christina Flores, kauuwi lang noong gabi ng December 21 ni Flores mula sa simbahan nang katukin ng dalawang pulis ang kanilang barong-barong.

Inimbitahan daw si Flores sa barangay dahil itinuro siyang runner ng droga ng isa pang nahuling suspek na si Michael Bryan Ortiz. 

Malinaw sa certified true copy ng blotter sa barangay, na nakuha ng ABS-CBN News, na walang nasabat na droga kay Flores noong gabing inimbitahan siya sa barangay. Habang may nakuhang tatlong sachet ng droga sa suspek na si Ortiz.

Gayunman, idineretso pa rin si Flores sa kulungan ng La Loma Police Station. Ayon sa kinakasama ni Flores, tinangka pa raw kikilan ang biktima ng P10,000 para hindi na ituloy ang kaso.

Halos limang buwan na ngayong nakapiit si Flores sa female dormitory ng Camp Karingal dahil batay naman sa joint affidavit of arrest nina PO1 Allen Christian Camangon at PO1 Mico Jensen Amurao ng La Loma Police Station, nahuli si Flores sa buy-bust operation kasama ng suspek na si Ortiz.

Kinukuwestiyon na rin ng abogado ni Flores ang affidavit dahil nabanggit na December 22 nangyari ang buy-bust operation gayong December 21 pa lang ay ikinulong na nila si Flores.

Nangako naman ang Quezon City Police District na iimbestigahan ang alegasyon ng ​'​tanim​-droga​'​ at ipatatawag ang mga pulis na sangkot.

Iniutos na rin ng Quezon City Regional Trial Court ang muling pag-imbestiga ng piskal sa kaso.
    
-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.