'Ransomware', umatake sa halos 99 bansa

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 10:43 PM

Watch also in iWantTFC

Umabot na sa 99 bansa sa buong mundo ang apektado ng ‘Ransomware’, na kung tawagin ay W-Cry, kabilang na ang Pilipinas. Ayon sa mga eksperto, delikado ito.

Hindi mabuksan ang computer at pinatutubos ang files-- ito ang bagong uri ng cyber-attack sa internet. Mabilis itong kumalat lalo na sa Russia, Amerika, at maging sa Britain. Para sa information technology experts, hindi biro ang pag-atake ng 'Ransomware'

 “This is unprecedented scale. We have never seen something like this spread so quickly in 24 hours. It’s really cyber apocalypse we are seeing. Organizations, as well as end users, need to pay attention and keep their systems up to date,” ani Varun Badhwar, Chief Executive Officer ng Redlock.

Sinang-ayunan din ito ng isang cybersecurity expert sa Pilipinas.

“Yes, since last night, when we heard of this incident abroad, ‘yung cybersecurity team namin has been put to red alert,” sabi ni Angel Redoble, Chief Information Security Officer ng E-PLDT.

Matindi ang epeko ng 'Ransomware'.

“Itong ‘Ransomware’, parang ito ay iinfect kita para di mo magamit ang computer mo o files mo o system mo, tapos sisingilin kita ng pera para bigyan kita ng encryption key. Kung lason, bibigyan kita ng antidote,” ayon kay Redoble.

Iba-ibang uri ng malware ang ginagamit sa pananabotahe ng files. Ang problema, hindi tiyak kung maibabalik ang pinatutubos na files.

Isa sa matinding naapektuhan ang Russia. Tinarget ng ‘Ransomware’ pati ilang ospital sa Britanya, kaya natigil ang operasyon. Pinaalis din ang ilang pasyente. Pati Pilipinas, hindi nakaligtas.

Payo ng IT experts, ugaliing mag-update ng sistema sa gadgets at computer. Huwag munang buksan ang mga e-mail mula sa mga hindi kilalang sender.

-- Ulat mula sa TV Patrol, Sabado, 13 Mayo 2017