Dalaga nagbebenta ng gawang trinket dishes, ashtrays para mapagamot asong may sakit

ABS-CBN News

Posted at May 12 2021 03:45 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Idinaan sa social media ng isang 19 anyos na dalaga mula sa Tarlac City ang paghingi ng tulong para sa pagpapagamot sa kaniyang alagang aso.

Si Catherine Miranda ay nagbebenta ng mga gawa niyang trinket dishes at ashtrays pangtustos sa chemotherapy ng alagang asong si “Nana”.

“Hindi ko lang po siya basta aso, more than alaga ko po siya. Dito po sa amin, pamilya na ang turing namin sa kanila. 'Pag umaalis kami sinasama sila. 'Pag dumarating kami sasalubungin kami,” sabi ni Miranda sa panayam sa Lingkod Kapamilya sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga.

Gawa sa pinaghalong semento at plaster ang mga produktong ibinebenta ni Miranda. Maging ang disenyo ay mismong siya ang gumuhit.

"Based po sila sa pinapakinggan ko po or pinapanood," sabi niya tungkol sa inspirasyon niya sa disenyo.

Naglalaro sa halagang P150 hanggang P300 ang kaniyang mga produkto.

Ayon kay Miranda, na-diagnose si Nana noong Abril 28 na may K9 transmissible venereal disease at kinakailangang sumailalim sa chemotherapy para maagapan ang sakit.

Aaabot umano sa P1,500 ang kada sesyon ng chemotherapy ni Nana na malapit nang mag-4 na taon at isang mixed breed ng Aspin at Golden Retriever.

“Thank you po sa lahat ng tumulong sa akin sa pagpapagamot ko po sa aso ko at sa lahat po ng naka-appreciate ng gawa ko po. Sobrang nakakataba ng puso,” sabi ni Miranda.

Sa mga nais pang tumulong o bumili ng kaniyang produkto, maaari siyang makontak sa kaniyang Facebook account o kaya ay magpadala ng tulong sa GCash (09123153580) na nasa pangalan ng kaniyang amang si Joseph Miranda.

- TeleRadyo 12 Mayo 2021