PatrolPH

500 tricycle drivers sa Maynila ginawang food delivery rider

ABS-CBN News

Posted at May 12 2020 11:24 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Pansamantalang mabibigyan ng trabaho ang aabot sa 500 tricycle driver sa lungsod na ito, sa bisa ng kasunduang nilagdaan ng lokal na pamahalaan at ng isang food delivery service. 

Sa “Panda Toda Manila Project,” pansamantalang mabibigyan ng trabaho bilang food delivery rider ng FoodPanda Philippines ang mga tsuper ng tricycle na nawalan ng trabaho dahil sa enhanced community quarantine, sabi ni Manila Mayor Isko Moreno sa kaniyang press briefing, Lunes. 

Para mapili, isasalang muna ang mga driver sa screening, na pangungunahan ng Public Service Employment Office at ng Manila Traffic Parking Bureau.

Kapag napili na ang tsuper, maninilbihan siyang food delivery rider nang 3 buwan, alinsunod sa tagal ng kasunduan. 

Pagkatapos ng 3 buwan, may opsyon ang rider kung itutuloy niya ang trabaho bilang food delivery rider. 

Dahil nasa enhanced community quarantine ang Maynila, suspendido muna ang lahat ng pampublikong transportasyon, kabilang ang paggamit ng traysikel.

Ngayong sarado ang transportasyon, nauuso na rin umano ang gumagamit ng mga delivery apps para mahatid sa mga konsyumer ang mga bilihin ngayong may banta ng coronavirus. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.