PRC, binulabog ng bomb threat

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 12:18 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Binulabog ng bomb threat kanina ang gusali ng Professional Regulation Commission sa Maynila pero ang pinagmulan pala ng impormasyon, ay isa lang tsismis.

Sa kainitan ng katanghalian, pinalabas ang lahat ng mga nasa gusali ng PRC sa Morayta, Maynila matapos umanong makatanggap ng bomb threat. Tigil ang lahat ng transaksyon at sinuspinde ang pasok.

Ilang oras na sinuyod ng bomb squad ang gusali pero walang natagpuang bomba.

Perwisyo naman ang idinulot nito sa mga kumukuha ng lisensya sa PRC.
Lumabas sa imbestigasyon, wala naman palang natanggap na tawag ang mga taga-PRC na nagbabanta na may sasabog.

Narinig lang pala ng security guard ang umano'y bomb threat nang siya ay magkape sa katapat na tindahan bandang alas-5 ng umaga. Pasado alas-11 lang ng umaga ito naireport sa pulisya.

Pero hindi naman daw masisi ang security guard lalo't may mga insidente ng pagsabog sa Maynila nitong mga nakaraang araw.

Sa tsimis man nagmula ang impormasyon, ayon sa mga awtoridad mahalagang iparating pa rin kaagad ito sa pulisya lalot kaligtasan ng bawat isa ang nakasalalay.

-- Ulat mula sa TV Patrol, Biyernes, 12 Mayo 2017