National ID System, kaya bang protektahan ang pribadong impormasyon?

ABS-CBN News

Posted at May 13 2017 06:06 AM | Updated as of May 13 2017 05:16 PM

Watch also in iWantTFC

Lumusot ang panukalang batas sa pagkakaroon ng pambansang identification system noong Mayo 10 sa House Population and Family Relations committee. Ano nga ba ito, at gaano kahanda ang Pilipinas para rito?

Matagal nang isinusulong ang national ID system. Simula pa ito noong 1996 sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, hanggang 2015 ng nakaraang administrasyon ay sinubukan itong isabatas. Ngayong taon, muling nabuhay ang panukala matapos pumasa sa komite ang Filipino Identification System o Fil-ID bill. 

Layon nitong pabilisin ang transaksyon sa mga iba't ibang government agencies,
Dahil pag-iisahin na ang mga ID ng mga government agencies gaya ng SSS, GSIS, PHILHEALTH, PAG-IBIG, COMELEC, BIR, at DFA.

Sa ilalim ng panukala, obligadong magrehistro ang lahat ng nasa edad 18 pataas. May iisang common reference number ang bawat Fil-ID na hindi puwedeng ilipat at panghabambuhay. Nakalagay sa ID at sa smart chip nito ang mga basic information at biometrics ng may-ari.

Laman naman ng database ang family records, biometrics, status, passport number, tax identification number, SSS O GSIS number, PHILHEATH, PAG-IBIG, Voter’s ID AT Driver’s License number. Ang Philippine Statistics Authority o PSA ang hahawak ng mga datos.

Subalit, may ilang may pangamba ukol dito.

“Kung mawala ID, paano kung nangangailangan ka agad-agad ng ID? Kung may ibang makakuha, malalaman lahat. Baka magamit sa ibang bagay gaya ng scam,” ani Jake, isang tindero.

Tingin ni BAYAN MUNA Representative Carlos Zarate, hindi kailangan ng national ID system.

Pangamba ni Zarate, baka magamit sa iba ang impormasyon dahil isang US- based firm, ang kasalukuyang humahawak sa civil registry records ng PSA. Hindi rin kampante si Zarate na kayang maproseso at maprotektahan ng gobyerno ang maseselang impormasyon.

Marso 2016 nang ma-hack ang website ng Commission on Elections. Apektado ang records ng 55 million voters sa tinaguriang ‘Comeleaks’. Sa parehong buwan, nabunyag naman ang Bangladesh bank heist kung saan higit $100 milyon ang nanakaw mula sa Bangladesh Central Bank. $80 milyon dito, napunta sa Pilipinas. Ninakaw naman ang isang computer ng COMELEC sa Lanao del Sur. Ilan lang ito sa mga kaso ng cyberattacks kung saan nalalagay sa peligro ang mga maseselang personal na impormasyon.

Ang data privacy ang isa sa lumalabas na pangunahing inaalala ngayong isinusulong sa kongreso ang national ID system.

“There's the threat of centralized info. If state has the capacity to secure it the way COMELEC was not able to,” ani Alan de Guzman Alegre, isang data privacy advocate.

Kahit ang mga pabor sa pagkakaroon ng national ID system, may pag-aalinlangan sa kasalukuyang panukalang batas sa kongreso na inoobliga ang pagkakaroon ng ID para sa mga edad 18 pataas.

 “Problem is we have a lot of numbers, we will just be adding one more. There should be an ID system from the minute one is born,” sabi ni Atty. Teresita Herbosa, ang chairperson ng Securities and Exchange Commission.

“If you have a single ID, all someone has to do is access that ID. It can't just be the number. Birth certificate is ideal because along with details of live birth, there's a biometric component,” ayon kay Jaime Casto Jose Garchitorena, ang presidente at CEO ng Credit Information Corporation. 

Pero nanindigan naman si Representative Sol Aragones, ang chair ng House Committee on Population and Family Relations, na may sapat na probisyon sa panukala para dito.

"Tanging ang PSA lamang ang may karapatan para sa mga impormasyon na kinakailangan dito," ani Rep. Aragones. 

Base sa panukala, puwede lang ilabas ang datos sa Fil-ID kung may written permission ng cardholder, kung may aksidente o sakuna, kung may utos ng korte, at kung kailangan ito sa ngalan ng kalusugan.

Ayon naman sa isang technology expert, hindi magiging madali ang pagkakaroon ng national ID system dahil bawat ahensya, iba-ibang software ang ginagamit sa pagproseso ng impormasyon.

“Reality is, we are an island of different solutions database. Not unified. Clean the system first, come up with unifying system, common platform,” ani Lieutenant Colonel Roland Ong, ang territory manager and cybersecurity solutions architect and consultant ng Fireeye, Inc. 

Dagdag pa ni Ong, hindi rin nakatutulong na papalit-palit ang mga data system service providers ang mga ahensya ng gobyerno. Pero babala ng data privacy advocates, kailangang pag-isipang mabuti kung mas makabubuti nga ba ang pagkakaroon ng centralized database.

Payo nila, kailangan magkaroon ng malawakang konsultasyon sa mga maaapektuhan ng national ID system.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.