Supply ng bakuna sa Makati mas marami kaysa sa mga nagparehistro: Binay

ABS-CBN News

Posted at May 11 2021 02:04 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Matapos makatanggap ang Makati City ng mga dagdag doses ng bakunang AstraZeneca at Pfizer, umapela naman si Mayor Abby Binay sa kaniyang mga residente na magparehistro na para magpabakuna.

"Magandang problema dahil marami po akong bakuna. So ako naman po ay nakikiusap sa ating kababayan dito sa Makati na magrehistro na dahil ang dami nating dumating na bakuna ngayong araw na ito," sabi ni Binay.

Sinabi sa TeleRadyo ni Binay na mas marami na ang bakuna ngayon sa lungsod kumpara sa mga babakunahan. 

"Kulang na 'yung aking babakunahan kumpara doon sa aking ibabakuna. Maraming dumating ngayong araw na ito," sabi ni Binay

May mahigit 25,000 doses ng AstraZeneca at Pfizer na dumating pero wala na aniya sa 2,000 ang kanilang backlog.

Pakiramdam ni Binay na kaya marami pa ang hindi nagpaparehistrong magpabakuna dahil naghihintay sila ng brand na gusto nila.

Samantala, natapos na rin ang kanilang pamamahagi ng ECQ ayuda sa mga taga Makati at kanilang ilalaan ang sobrang pera para sa mga nag-apply sa ilalim ng MakatiZen Economic Relief Program.

- TeleRadyo 11 Mayo 2021
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.