12 na kolorum na mga van, luxury vehicle huli sa Cavitex

ABS-CBN News

Posted at May 11 2021 05:01 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Isang dosenang kolorum na vans ang nahuli sa isinagawang special operation ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa Cavitex.

Napagdesisyunang magkasa ng operasyon ang I-ACT matapos makatanggap ng mga report ukol sa umano'y ilegal na byahe ng mga van na mula Laguna at Cavite.

Marami umanong mga empleyado na nagtatrabaho sa Metro Manila na galing sa dalawang probinsiya.

Dalawang klase ng kolorum na mga behikulo ang nahuli. Isa na dito ay ang tinatawag na "ulo-ulo" o ang mga kumukuha ng pasahero sa kalsada na walang dokumento at meron din shuttle ng kompanya na wala ring papeles.

P200,000 ang kailangang bayaran para matubos ang na-impound na kolorum na van.

Samantala, isang luxury vehicle din ang hinuli sa operasyon. Ang pulang sasakyan ay unang sinita dahil walang plate number sa harap. Pero wala rin maipakitang dokumento ang driver ng sasakyan.

- TeleRadyo 11 Mayo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.