Plano kontra-terorismo, inilatag sa Puerto Princesa Underground River

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 06:07 PM

Watch also in iWantTFC

Naglatag ng contingency plan ang pamunuan ng Puerto Princesa Underground River Law Enforcement Agencies, barangay officials at resort owners sa Palawan.

Kaugnay ito ng inilabas na travel advisory ng Amerika na pinag-iingat ang kanilang mga mamamayan sa pamamasyal sa Puerto Princesa dahil sa banta ng terorismo.

“Napag-usapan nga ngayon is ‘yung visibility ng pulis. Mafi-feel secured sila and safe," ani Beth Maclang, Park Superintendent ng Puerto Princesa Subterranean River National Park.

Kabilang sa mga binuo ang magiging command center at contact numbers na pwedeng tawagan ng mga residente sakaling may nakita silang kahina-hinalang tao.

Iniutos sa resort owners ang paghingi ng mga id sa mga guest at pagkuha ng kanilang mga impormasyon. Dapat ding maging mapagmatyag sa mga dadaong na mga bangka. 

Tinalakay din sa pulong ang pagde-deploy ng karagdagang tropa ng militar at pulis na mag-iikot sa lugar.

Sa ngayon, kampante at enjoy sa bakasyon ang mga turista sa Puerto Princesa.

"The only thing unsafe here is the current. All I experienced is hospitality. I’ve never felt unsafe," ani ng Amerikanong turista na si Felipe Fernandez. 

"I've been here for two months. I feel safe here," ayon naman sa British na turista na si Jack Palfieyman.

Pero may ilang nag-kansela ng bookings dahil sa banta ng terorismo.

“May mga natakot pero we have to see sa mga paparating na araw," sabi ni Bruce Tan, General Manager ng Daluyon Beach and Mountain Resort.

Business as usual din sa underground river pero tiniyak ng mga awtoridad na nakaalerto sila.

-- Ulat mula sa Headline Pilipinas, Huwebes, 11 Mayo 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.