Kabi-kabilang dagdag-singil sa kuryente, ipinetisyon sa ERC

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 11:02 PM

Watch also in iWantTFC

Mararamdaman na sa June bill ang paunang refund na P0.75 kada kilowatt hour sa lahat ng Meralco customers. Susundan ito ng P0.75 na bawas sa July at isa pang P0.75 na tapyas sa August para maisauli ng Meralco ang sobrang nakolekta nito.

Pero kung may refund, sangkaterba rin ang hirit na dagdag singil sa Energy Regulatory Commission (ERC). Isa na riyan ang hirit ng Transco na dagdag sa lahat ng consumers na P0.10 kada kilowatthour sa "Feed in tariff allowance" o bayad sa kuryenteng galing sa mga malilinis na energy sources gaya ng solar, wind at hydro.

Ang National Grid Corp., mayroong 15 petisyon sa dagdag-singil para mabawi raw ang bilyong pisong gastos sa mga tore na natumba dahil sa bagyo, baha, lindol at iba pang sakuna.

Para naman sa taong ito, humihingi ng dagdag na P0.07 ang Napocor para sa gastos ng mga linya sa mga islang di sakop ng national grid.

Apela ng isang grupo, isipin naman ang kapakanan ng consumer na bugbog sa gastusin. Balak ng grupo na harangin ang mga petisyon kapag dininig na ito ng ERC.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.