Mga aso, sinasanay din sa earthquake drills

ABS-CBN News

Posted at May 11 2017 03:04 AM | Updated as of May 11 2017 10:48 AM

Watch also in iWantTFC

Ang ‘man's bestfriend’ ay maaaring maging tagapagligtas sa panahon ng sakuna. Ito ang programang isinasagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) K9 Training Center.

Tuwing sabado, tine-train ng mga empleyado at volunteers ang mga may-ari at aso sa search and rescue operations. Isang paghahanda para sa "The Big One" o ang pinangangambahang magnitude 7.2 na lindol.

 “’Yung threat ng movement ng West Valley fault, malaking bilang na hindi kayang punan ng puwedeng maghanap dahilan nga sa delikado. Malaking potential na ‘yung aso dahil marami naman sila eh, iha-harness mo lang. Medyo talagang i-train mo lang pati nagmamay-ari, nakakatulong din,” ani Ramon Santiago, Technical Head ng MMDA K9 Search and Rescue Unit.

Unang itinuturo sa mga aso ay ang obedience o pagsunod sa utos na ‘sit’ o ‘stay’. Sunod ay ang stability training kung saan magkakatabi ang mga aso. Inaalis nito ang aggression sa ibang aso para hindi mag-away.

“Pangatlo, paggamit ng ilong—‘yon ang mahalaga. May mga iba pang stages ‘pag nandoon ka sa punto ng paghahanap. May iba pang techniques na ie-employ at mangangailangan ‘yan ng dagdag-panahon, dagdag-tiyaga,” ani Santiago.

Itinulad ang training area mula sa aftermath ng isang kalamidad gaya ng pagsuot sa maliliit sa butas.o kaya ay paghakbang o pagtalon sa nasirang building o kotse.

Ayon kay Kevin Tago, isang dog trainer, iba't ibang breed ng aso ang puwedeng sanayin. Kailangan lang ng panahon, pasensya at tiyaga dahil magkakaiba ang behavior at personality ng mga aso.

 “Hindi porket toy dog ‘yung aso natin eh they're not capable of work. Not necessarily. Natuturuan din through effort and dedication, natuto din yan. Advantage ng large breeds ‘yung, kagaya po niyang obstacle, nakakaakyat sila diyan. Mas madali silang…mas mabilis silang tumakbo. Mas mataas tumalon. Ang small breeds naman, mas masikip mapapasok nila, saka madali silang bitbitin,” ani Tago.

Masaya ang ahensya na padami nang padami ang dog owners na gustong matuto at tumulong sa kapwa. Gaya nina ken na isang buwan na nagte-training dito, at ni bong faustino na karerehistro lang.

“’Pag dumating yung pagkakataon na kailangan tayo ng ating pamilya, magagamit natin yung dogs natin. Magagamit natin sila para hanapin ‘yung ibang tao, yung pamilya natin at the same time. Makakatulong tayo sa ibang tao,” ayon kay Ken.

“Each one has a purpose. Ito para tumulong din sa iba, hindi lang sa akin,” ayon naman kay Bong.

Para sa mga interesadong pet owners, libre lang ang rescue dog training. May registration at orientation muna tungkol sa programa.

Susunod na pagtutuunan ng k9 center ang mga pamahalaang lokal. Layunin nila na magkaroon ng five search and rescue dogs kada barangay.

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.