Opisyal ng kumpanya ni Floirendo, ginisa ni Speaker

ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 03:45 AM

Watch also in iWantTFC

Hindi natuloy ang inaabangang paghaharap nina House Speaker Pantaleon Alvarez at Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo sa pagdinig ng Kamara sa umano’y maanomalyang kontrata ng Bureau of Corrections (BuCor) at banana firm na Tagum Agricultural Development Company Inc. (TADECO) ni Floirendo.
 
Sa pag-uumpisa ng imbestigasyon ng House Committees on Justice and Good Government and Public Accountability, binasa ng committee chairperson na si Rep. Johnny Pimentel ang pahayag ni Floirendo kung bakit pinili niyang hindi sumipot sa pagdinig.
 
Paliwanag ni Floirendo, dahil miyembro rin siya ng Committee on Justice, minabuti niyang huwag nang daluhan ang pagdinig para maiwasan ang isyung makukulayan niya ang resulta ng pagdinig.
 
Dahil wala si Floirendo, si TADECO president Alex Valoria ang sumalo ng panggigisa ng mga kongresista sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez. 
 
Labag umano sa batas ang ginawang joint venture agreement ng BuCor at TADECO para magtayo ng sagingan sa loob ng Davao Penal Colony dahil hindi puwedeng parentahan o ibenta ang mga pag-aari ng gobyerno. Pero pinabulaanan ito lahat ni Valoria.

Kahapon, inanunsiyo na rin ang pag-alis kay Floirendo sa Commission on Appointments matapos hindi bumoto pabor sa death penalty. 
 
Sa isang pahayag, tiniyak ni Floirendo na buo pa rin ang kanyang suporta sa Pangulo sa kabila ng nangyaring tanggalan.
 
Sina Alvarez at Floirendo ang dalawa sa pinakamalalaking kaalyado ni Pangulong Duterte.
 
Sinasabing nag-ugat ang away nina Alvarez at Floirendo matapos magkasagutan ang kanilang partners sa Masskara Festival noong nakaraang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.