PatrolPH

Mga guro hinarana, binigyan ng relief goods ang mga estudyante sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at May 08 2020 08:06 AM

Watch more on iWantTFC

Hindi lang ayuda kundi may kasama pang harana ang hatid ng mga guro ng Mataas na Paaralang Juan C. Laya sa San Manuel, Pangasinan.

Nananatiling kanselado ang klase sa mga paaralan pero hindi suspendido ang pagmamalasakit sa kanilang mga estudyante.

Ayon kay Elsa Cacal, isa sa mga Head Teacher, inilunsad ng Teachers and Employees Association ang donation drive sa kanilang grupo para makalikom ng pondo na gagamitin para sa relief goods sa mga estudyanteng kapus palad.

Higit 100 estudyante rin ang naabutan ng tulong na bigas, manok, longganisa, at itlog.

Karamihan sa mga benepisyaryo ay mga anak ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Bukod sa relief goods, sinamahan naman ng mga guro ng awitin ang distribusyon para malibang ang mga estudyante at kanilang pamilya.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa pag-alala ng kanilang mga pangalawang magulang sa gitna ng krisis.

--Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.