Tulong sa umano'y minamaltratong OFW, idinudulog

ABS-CBN News

Posted at May 08 2017 04:25 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Umaapela ng tulong ang kaanak ng isang Overseas Filipino Worker sa Dubai na minamaltrato umano ng kanyang amo.

Nakatanggap ang kaanak ni Nonalie Hosenilla, 47-anyos, ng kanyang video na tila nawawala na sa sarili at nagsasalitang mag-isa. Makikita rin ang mga pasa niya sa kaliwang bahagi ng mukha. Walong taon nang nagtatrabaho sa Dubai si Hosenilla.

Sa huling pag-uusap nila ng kapatid, nagsabi pa umano si Nonalie na nais niyang magpunta sa ospital dahil sa hypertension. Nang malaman ito ng kanyang lalaking amo, minaltrato pa umano ang OFW.

Nagpadala pa ang kaanak ng pera para madala na sa ospital ang kapatid pero itinago umano siya ng kanyang amo. 

Ayon sa nakausap ng pamilya, may plano na umanong ipuslit sa airport si Nonalie pabalik sa Pilipinas pero nangangamba sila sa kalagayan nito.

''Kasi 'pag nakita ng doktor sa findings na may violation sila [ang mga amo ni Nonalie], kasi may pasa, may traces nabugbog... mismong UAE government ang magsasampa ng kaso sa kanila. So yun ang iniiwasan nila,'' ani kapatid ni Hosenilla.

Nakikipag-ugnayan na ngayon sa konsul ng Pilipinas sa Dubai ang mga kaanak ni Nonalie.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.