Cayetano: Killings, walang bendisyon ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at May 08 2017 11:01 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano sa 47-member UN Human Rights Council sa Geneva na hindi state-sponsored o may bendisyon ng pamahalaan ang mga drug-related killings sa Pilipinas.

Kasalukuyang dinidinig ang report ng pamahalaang Duterte kaugnay ng masalimuot na isyu ng human rights situation sa bansa na ikinakabit umano sa war on drugs.

Ayon kay Cayetano, pamumulitika lang ito ng mga kalaban ng Pangulo para masira ang gobyerno sa international community.

Si Cayetano ang inatasang co-chair ng Philippine delegation na haharap sa Universal Periodic Review (UPR) na isinasagawa ng UN Human Rights Council kada apat hanggang limang taon.

Nakakuha ng matinding suporta si Cayetano sa mga die-hard Duterte supporters mula sa iba-ibang panig ng Europa isang araw bago humarap sa UN Human Rights Council.

Inorganisa ang isang malaking townhall meeting sa downtown Geneva para ipaliwanag ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga.

Umabot na umano sa 101 ang mga kinatawan ng UN member-states na nakalinyang magtanong para alamin ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan sa pagpapabuti ng human rights situation sa Pilipinas.

Constructive at interactive dialogue ng mga UN member-states ang tema ng UPR session at hindi confrontational.

Iginiit ni Cayetano na malaki ang respeto ng pamahalaan sa karapatang pantao at walang ipinag-iba aniya ang istatistika kumpara sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Kung tumaas man umano ang bilang ng mga patayan bunsod ng droga, dahil ito sa mas maraming drug operations.

Taliwas naman ang opinyon ni Commission on Human Rights Chairman Chito Gascon na dumalo rin sa UPR session.

Nagpalitan ng maanghang na salita sina Cayetano at Gascon matapos batikusin ng senador ang CHR ng pamumulitika kahit dinagdagan ng Pangulo ang kanilang budget ng halos P300 milyon.

Habang isinasagawa ang UPR session sa loob ng UN headquarters, nagdaos naman ng magkahiwalay na rally ang mga pro at anti supporters ng Pangulong Duterte sa labas.

Ang mga bansang Paraguay, Kenya at Switzerland ang napiling mag-aral ng Philippine situation na magbibigay ng report sa Oktubre.

-- Ulat ni Danny Buenafe, ABS-CBN Europe News Bureau

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.