Kasambahay na nagnakaw ng P2M alahas, gadgets nahuli dahil sa GPS

ABS-CBN News

Posted at May 06 2021 08:46 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Tinatayang P2 milyon ang natangay ng isang kasambahay mula sa pinagtatrabahuhang bahay sa Barangay North Fairview sa Quezon City.

Batay sa paunang ulat ng Fairview Police Station, unang nakatakas ang suspek na si alyas Suzy at kita pa sa CCTV sa bahay ng kaniyang amo ang kaniyang pag-alis.

Dala-dala niya ang alahas, gadgets at pera ng kaniyang mga amo na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Tatlong buwan pa lamang na namamasukan bilang kasambahay ang suspek.

Naaresto ng pulis ang suspek sa follow-up operation na kanilang ikinasa sa San Luis, Pampanga nitong Miyerkoles kung saan nakatira ang kasintahan nito.

Natunton doon ang suspek gamit ang GPS mula sa ninakaw niyang tablet. Narekober sa kaniya ang dalawang tablet, apat na singsing na nagkakahalaga ng P1.8 milyon na pagmamay-ari ng kaniyang amo. Hindi naman nabawi pa ang cellphone at P250,000 na cash na kaniyang ninakaw.

Inamin ng suspek na ninakaw ang dalawang tablet para ibenta umano ito pero wala aniya siyang kinuhang pera at mga alahas.

Nakipag-ugnayan na ngayon ang mga biktima sa agency ng kasambahay habang desidido silang magsampa ng kasong qualified theft laban sa suspek.

- TeleRadyo 6 Mayo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.